HISTORY

zamora2

         

Father Jacinto Zamora was one of the three martyr priests of the Secularization of the Filipino priests, the Gomburza.   

         Father Jacinto Zamora was born in Pandacan, Manila on August 14, 1835. When he was transferred in Manila, he saw the unjust treatment of the Spanish friars against the Filipino priests.

 

PARI JACINTO ZAMORA (1835 – 1872)

               Si Pari Jacinto Zamora ay ipinanganak sa Pandacan, Maynila, noong ika-14 ng Agosto, 1835. Ang kanyang mga magulang ay sina Venanco zamora at Hilario del Rosario. Sila ay may kaya naman sa buhay at maaaring mabigyan ang kanilang anak ng isang buhay na mariwasa at matiwasay. Ngunti pinili ng batang Jacinto ang magpari kahit alam niyang punong – puno ito ng pagpapakasakit sa ikadadakila ng pananampalatayang Kristiyano. 
               Siya’y sa Pandacan unang nag-aral at pagkatapos ay ipinasok siya ng kanyang mga magulang sa kolehiyo ng San Juan de Letran, bilang isang “interno.” Dito siya nagtapos ng kolehiyo at tumanggap ng katibayan sa pagka Bachelor of Arts. Hindi nawawal kay Jacinto ang pangarap niyang maging pari kaya’t siya’y nagpatuloy ng pag-aaral sa Pamantasan ng Sto. Tomas at dito’y natapos niya ang Teolohiya at batas Canon. Itinalaga siyang pari at kura paroko sa Marikina at sa Pasig, Rizal. 
                Si Pari Zamora ay matapang, mapusok, at isang napakatalinong pari. Kinilala ng kanyang kakayahan kaya’t siya’y binigyan ng mataas na katungkulan sa katedral ng Maynila. Sa utos ng Arsobispo siya’y nagbibigay ng eksamen sa mga  Kastila man o Pilipino. Isa sa mga paring may -pari, Kastila man o Pilipino. Isa sa mga paring may ganito ring tungkulin ay si Pari Burgos na siya niyang nakasmang mamatay sa garote. Dahil sa mabuting katungkulan kapuwa nila hinahawakan, naaala-ala nila at ginugunita ang kahalagahan ng pagtaas ng uri ng mga paring Pilipino upang maging pinuno ng simbahan. 
                 Sa panahong iyon, kasalukuyang pinagtatalunan ng mga namumuno sa maraming simbahan ang tungkol sa paglalalagay ng mga paring Kastila lamang sa mga bayan – bayan. Ibig ng mga Kastila na pawang prayle ang italaga sa bawa’t bayan, samantalang ang mga paring Pilipino ay nararapat ding magkaroon ng mga simbahang pamamahalaan, sapagka’t kaya rin naman nilang mamahala sa alinmang parokya. Dito na nagsimula ang pagkakahati – hati ng mga paring Kastila at Pilipino. Hindi matiis nina Pari Burgos, Gomez at zamora na mnakita ang kaniolang mga kapuwa paring Pilipino na pinagkakakitaan ng ganitong karapatan. Kaya’t pati sila ay nakilahok na rin sa pagtatalo at pagtatanggol para sa tunay na karapatan ng mga paring Pilipino. 
                  Nang malaman ng mga Kastila na si Pari Zamora ay kasang – ayon sa mga kababayan  niya, sila’y nagalit nang lubusan at tiniktikan na ang lahat ng kanyang mga kilos upang humanap ng dahilan upang siya’y ipadakip. nguni’t niwalang – bahala ni Pari Zamora ang lahat. Lalo pang nag-ibayo ang kanyang tapang, sapagka’t nalalaman niyang sila’y nasa matuwid, at dapat niyang ipagtanggol ang mga karapatan ng mga paring PIlipino. 
                 Minsan, may isang tenyenteng klastila na nagpipilit na basbasan sa simbahan ang isang Kastilang nagpakamatay, at ito’y ilibing sa sementeryong Katoliko. Kung pumayag si Pari Zamora sa kahilingan, siya’y lalabag sa isang mahalagang kautusan ng simbahan, kaya’t siya’y tumanggi sa kahilingang ito ng opisyal. Siya’y lubhang marangal at lagi na siyang handang tumupad ng matapat sa kanyang tungkulin kahit na magdulot ito ng ikagagalit ng mga pinunong Kastila. 
                 Nagpatuloy siya sa matapat na pagtupad sa kanyang mga tungkulin bagama’t alam niyang naghihintay lamang ng pagkakataon ang mga pinunong Kastila upang siya’y patawan ng mga paratang. 
                 Sa pagkakataong ito ay nagkaroon ng aklatan sa lalawigan ng Cavite. Ito’y hindi naman isang tunay na labanan. Ang mga manggagawa sa Cavite ay nagsiaklas lamang upang humingi ng mataas-taas na sahod. Ang mga Pilipinong nasa Maynila ng mga araw na iyon ay napaghinalaang sila ang may kagagawan ng pag-aklas. Ang isa sa mga napagbintangang ito ay si Jose Zamora. Ang utos ng pagdakip kay Jose Zamora ay ipinadadala, nguni’t ang dinakip ng mga Kastila ay si Pari Zamora. Siya’y pinagbintangang nagkasala ng sedisyon, o panunulsol laban sa pamahalaan.
                Kasama niyang dinakip din sina Pari Burgos at Gomez. Ang tatlong pari ay ibinilanggo sa Fort Santiago.
                Noong ika-15 ng Pebrero, sila’y nilitis ng isang hukumang militar na binubuo ng mga Kastila. Si Francisco Zaldua, binayarang sumaksi ay nagpahayag ng pawang kasinungalingang laban sa tatlong pari na hindi man lamang pinagkalooban ng pagkakataong makapagtanggol sa kanilang sarili.
              Isa sa mga nintang sa kanya ng panghihikayat upang magsipag-aklas ang mga taga-Cavite ay nang matuklasan ang isang liham ni Pari Duran na nagsasaad ng “magdala kayo ng maraming bala na panlaban,” nguni’t hindi niliwanag na ang mga bala na binanggit ay mga salapi upang gugulin sa isang laro. Sila’y nahatulang mamatay sa garote noong ika-17 ng Pebrero, 1872. Hindi pa nasisiyahan sa hatol na ipapatay ang mga pari, hinilinh pa rin ni Gobernador Izquierdo sa Arsobispo Martinez na sila’y hubaran ng sutana bago patayin. Ang Arsobispo ay hindi naniniwalang sila’y may pagkakasala, kaya’t ipinag-utos nitong litisin silang muli. Ito lamang ang tanging pagkakataon upang maliwanagan na wala silang pagkakasala. Pagkatapos ng paglilitis at nang malaman ng Arsobispo na wala nga silang kasalanan, siya na rin ang nagbendisyon sa tatlong pari. Nguni’t ang paniwala niya ay hindi nakapigil sa pagpapatay sa tatlong pari. Pinabayaan na ng Arsobispo na sila’y dalhin sa bitayan na suot ang kanilang sutana at pinatugtog pa niya ang mga kampana ng simbahan bilang pagbabalita ng kanilang kamatayan. Ipinakilala nito na ang pamahalaan noon ay lalong makapangyarihan kaysa sa Arsobispo.
               Noong umaga ng ika-17 ng Pebrero, 1872, ang tatlong bayaning pari ay umakyat nang tahimik sa hagdanan ng bitayan sa Bagumbayan. Kulimlim ang umagang yaon. Ang silahis ng araw ay hinahadlangan ng maiitim na ulap, at waring nagngingitngit ang langit at tumututol sa hatol na hubad na hubad sa katarungan na iginawad sa tatlong paring martir. Si Zaldua na sumaksi laban sa kanila ang siya pang unang pinatay. Isinigaw miya sa huling sandali ang katotohanan, nguni’t ito’y hindi na pinakinggan sapagka’t lahat ay nahahanda sa pagpatay sa tatlong pari.
              Sumapit na ang malagim na sandali ng kanilang kamatayan at sila’y binitay sa pamamagitan ng “garote” sa umaga ring iyon.
             Nang sumulat si Dr. Jose Rizal ng kanyang aklat na El Filibusterismo, ay inihandog niya ang aklat sa tatlong pari, at pinapurihan ang tatlong martir na naging biktima na walang katarungang pamamahala ng mga Kastila.
             Ang mga Pilipinong nakasaksi sa pagbitay sa tatlong pari ay pawang nangalungkot at nabahala sa nangyari. Lalong nag-ibayo ang kanilang poot sa mga Kastila. Ito na marahil ang nagpaalab ng kanilang mga damdamin upang sila ay magkaroon ng pagkakaisa na nagwakas sa Rebolusyon noong 1896.

KASAYSAYAN NG PAARALAN

                Ang mga paaralan sa Pandacan ay bunga ng mahabang panahon ng pagpapaunlad. Ang mga paaralang bayan ay ang Paaralang J. Zamora, Paaralang Labores, Paaralan ng Bagong Barangay, Paaralang Beata at Paaralang Bagong Diwa. Mayroon ding isang pribado at panrelihiyong paarala – ang Paaralang St. Joseph.
                Ang Paaralang J. Zamora ay matatagpuan sa pagitan ng mga Daang J. Zamora at sa kahabaan ng Daang Labores. Ang buong paaralan ay sumasakop sa humigit – kumulang sa isang (1) ektaryang lupa. Dati – rati’y ang mga Paaralang Labores, Bagong Barangay, Bagong Diwa at Beata ay mga sangay (annexes) ng Paaralang J. Zamora. Nguni’t nang dumami ang mga mag-aaral, ang mga sangay na ito ay nahiwalay na at nagkaroon ng sari-sariling  mga punong-guro.
               Dahilan din sa mabilis na pagdami ng mga batang mag-aaral, ang mga guro, mga magulang at mamamayan ay kumilos at nagtulung-tulong hanggang sa ang Sangguniang Lungsod ng Maynila ay naglaan ng sapat na halaga upang maipatayo ang isang gusaling pampaaralan noong taong 1920. Ito’y pinangalanang “J. Zamora Primary School”. sa karangalan ng isang natatanging anak ng Pandacan na si Pari Jacinto Zamora, at itinayo sa pook na kasalukuyang kinalalagyan. Si G.del Rosario ang unang punong-guro ng paaralan. 
               Nguni’t ang bagong paaralan ay walang palaruan. Upang magkaroon ng palaruan ay kinakailangang makuha ang mga loteng kinatitirikan ng mga bahay sa paligid.
               Nagkataon naman na dumalaw isang araw ang Pangulong Manuel L. Quezon ng Komonwelt ng Pilipinas, kasama si G. Arcadio del Rosario, na retirado na noon, at ipinamalas ang kalagayan ng mga batang nag-aaral. Ilang araw lamang ang nakalipas, napag-alaman kaagad na ang Sangguniang Lungsod ng MAynila ay naglaan ng kaukulang halaga upang bilhin ang mga lore sa paligid ng Paaralang J. Zamora. Nakiisa naman ang mga mamamayang may mga lote at bahay sa paligid ng paaralan, kung kaya’t lumaki ang kinatatayuang lote ng Paaralang J. Zamora, na ngayon ay punong-puno na rin ng mga gusali ng mga silid-aralan.
               Bago pa man sumapit ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig (1941), ang Paaralang J. Zamora ay marami nang mga sangay (annexes) – mga inuupahang mga pribadong tahanan, katulad ng Gusaling Tioque, Hernandez, at ilang mga bahay sa Daang Labores, dahilan sa mabilis na pagdami ng mga taong nagkaoon ng hanap-buhay sa mga pagawaan sa Pandacan.
               Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, malaki ang naging kapinsalaan ng Paaralang J. Zamora, kung kaya’t marami ring panahon ang ginugol upang maisaayos ang paaralan nang matapos ang digmaan noong 1945.
               Naging  mabilis ang pagdami ng mga mamamayan sa Pandacan, bunga ng “urbanisasyon” ng pook. Dumami na rin ang mga batang may sapat na gulang upang magsipag-aral. Ang Paaralang J. Zamora ay nagkaroon ng apat na sangay (annexes) – Sangay Blg. I – ang dating Gusaling Tioque sa Daang Labores Ext., Sangay Blg. II – ang Bagong Barangay sa BBHP, Sangay Blg. III – ang Beata sa Daang L. de la Paz, at ang Sangay Blg. IV – ang Balagtas Subdibisyon, na ngayon ay Paaralang Bagong Diwa.
               Noong taong 1961, ang paaralan sa Gusaling Tiaque (Annexes I) ay nahiwalay sa Paaralang J. Zamaora at nagkaroon ng sariling punong-guro. Ang paaralan ay tinawag na Labores Primary School – Sapagka’t ang Paaralang Labores ay maliit upang maging isang ganap na primary school, ang lahat ng mga sangay ng Paaralang J. Zamora ay inilipat sa Paaralang Labores. Kaya’t ang Paaralang Labores ay nasakop ang mga klase sa Bagong Barangay at Beata.
               Sapagka’t lumaki na ang mga Paaralang Bagong Barangay, Bagong  Diwa at Beata, noong taong 1967 ang Labores Primary School ay nabalikna sangay ng Paaralang J. Zamora. Nguni’t noong taong 1972 ay nahiwalay na naman at nilagyan ng isang punong-guro, nagsarili at nanatiling Labores Primary School hanggang sa ngayon.
               Ang Bagong Barangay Housing Project (BBHP) No 5) sa ilalim ng  pamamahala noon  ng People’s Homesite and Housing Corporation (PHHC), na ngayon ay National Housing Authority (NHA), noong 1954 ay nagkaloob sa mga naninirahan sa BBHP ng dalawang (2) quonset huts, na naglalaman ng walong (*) klase, para sa mga batang nag-aaral. Ito nga ay naging sangay ng Paaralang J. Zamora at ng Paaralang Labores. Nguni’t nang madagdagan nang dalawa(2) pang silid-aralan ang paaralan sa BBHP, noong taong-paaralang 1962-1963, ito’y nahiwalay na sa Paaralang Labores at naging isang ganap na primary school, at tinwag na Bagong Barangay Primary School.
                Ang apat (4) na mga paaralang bayan (ang Labores Primary School, ang Bagong Barangay Primary School, na naging Bagong Barangay Elementary School, ang Paaralang Beata Primary School na naging Beata Elementary School na ngayon, ang Paaralan Bagong Diwa na pinangalanang Bagong Diwa Elementary School, na ito ay mga supling ng Paaralang J. Zamora, na ngayon ay ibang-iba na sa pinagmulan nito. Ang Paaralang J. Zamora ay isa na sa malalaki at magagandang gusali na ipinagmamalaki ng Sangay ng mga Paralang Lungsod ng Maynila, na nasasangkapan ng mga makabagong mga kagamitan ng isang makabagong paaralan.
               Sa ngayon, ang lahat ng mga paaralang bayan sa Pandacan ay pinagsisikapang mapaunlad at makatugon sa mga pangangailangan ng mamamayan at ng mga batang nag-aaral. Binigyang-diin na higit na maitaas ang uri ng pagtuturo sa pamamagitan ng mga pag-aaral, pagsusuri, at pagsasanay ng mga guro upang isakatuparan ang mga pangunahing layunin ng edukasyon at sa paglinang ng mabubuting mamamayan. Nawa’y maging kapaki-pakinabang at makatuturan ang gawaing pagtuturo sa ating mga batang nasa ilalim ng pag-aaruga ng mga guro at punong-guro sa mga paaralang bayan ng Pandacan .